-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi maaaring i-convert bilang community quarantine facility para sa COVID-19 ang mga existing na barangay health stations sa buong bansa.

Paliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may standard na sinusunod sa pagtatayo o pagco-convert ng lugar bilang quarantine facility.

“May standard po tayo sa community quarantine facility na mayroon ho tayong sukat at may distansya bawat kama para ho hindi tabi-tabi,” ani Vergeire.

“Kapag BHS po, makakapaglaman ka lang siguro diyan ng dalawa hanggang tatlong kama so hindi po namin inirerekomenda na ‘yan ang ating gamitin,” dagdag ng opisyal.

Kabilang na raw dito ang espasyo na dapat ay maluwag at kayang pwestuhan ng mga pasyenteng magkakahiwalay ang distansya.

Lumutang ang ulat kamakailan na target ng private firm na JBros Construction i-convert bilang community quarantine facility ang nasa 500 barangay health stations na proyekto ng nakaraang administrasyon.

Ngayong linggo na raw inaasahang magbubukas ang Rizal Memorial Coliseum, Philippine International Convention Center, at World Trade Center bilang pasilidad para sa mga pasyente ng COVID-19.

Tinatayang halos 1,000 pasyente raw ang kayang i-accommodate ng tatlong pasilidad.