-- Advertisements --

Simula nitong Martes ay naging kapansin-pansin ang muling pagtaas nang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, at ayon sa Department of Health (DOH) posibleng tumaas pa ito sa mga susunod na araw.

Sa virtual presser ng DOH sinabi ni Usec. Maria Rosario Vergeire na ang muling pagpalo sa higit 300 numero ng mga bagong kaso ng sakit simula May 26 ay bunsod ng tumaas din na kapasidad ng kagawaran sa pagva-validate ng mga test results.

“Karamihan sa mga ating mga (bagong) kaso ay local at ngayon, itong mga kaso na naitala natin ay galing sa mga vina-validate na mga kaso. Inaasahan pa rin natin na sa mga darating na araw maaari pa rin tumaas ang ating mga kaso dahil patuloy na tayong nakakapag-validate ng mga kaso.”

“Kumpara sa mga nakaraang araw ang trend ng bilang ng mga kaso ay tumataas ngunit dahil ito sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso nating nava-validate na sa ngayon dahil nakapag-hire na tayo ng additional encoders.”

Una nang sinabi ng DOH na ngayong gabi target nilang maubos ang nasa higit 3,000 backlog sa mga resulta ng COVID-19 tests. Galing daw ito sa 12,000 backlog noong nakalipas na dalawang linggo, na pawang test results mula sa testing laboratories.

-- Advertisement --

Hiwalay pa raw ito sa backlog ng mga resulta na hindi pa isinusumite ng mga laboratoryo sa DOH.

Ngayong araw nakapagtala ang Health department ng 539 na mga bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19. Ito na ang bagong pinakamataas na record ng new cases sa loob ng isang araw mula noong March 31.