Babaguhin daw ng pamahalaan ang target nitong numero ng testing capacity kada araw, bilang tugon sa iba’t-ibang sitwasyon na hinaharap ng mga laboratoryong nagsasagawa ng test sa COVID-19.

Kung maaalala, sinabi kamakailan ni Presidential spokesperson Harry Roque na pumalo na sa 32,000 ang naisagawang test sa loob ng isang araw ng mga certified COVID-19 testing laboratories.

Pero paglilinaw ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kayang maabot ang nasabing numero kung walang shortage sa supply, equipment at manpower ng kasalukuyang 36 na laboratoryo.

Itinuturing daw kasi na factors ang mga ito sa nagiging delay ng proseso sa mga pasilidad.

“Nirerebisa po natin ang ating estimations, may nilagay na po kami na variable na number of operating hours, among others, which we will be deducting because these will count for operational issues, para mas maging realistic ang kanilang target.”

Nilinaw ng opisyal hindi lahat ng laboratoryo ay 24/7 na nago-operate. Hindi naman daw kasi mandatory na isang buong araw ang operasyon ng mga ito, maliban sa pagta-trabaho ng buong linggo.

Unang sinabi ng DOH na target nilang paabutin ng 30,000 tests kada araw ang kapasidad ng mga laboratoryo sa bansa para sa COVID-19.