-- Advertisements --
Screenshot 2020 07 16 21 01 55

Inamin ng Department of Health (DOH) – Region 6 na malaking porsyento o 74-percent ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Western Visayas ay mula sa grupo ng mga umuwing overseas Filipino workers at locally stranded individuals.

Ayon kay Dr. Mary Jane Juanico ng DOH regional office 6, mula sa 688 total cases ng rehiyon ay may 123 na OFWs at 387 na LSIs. Ang 57-percent sa kanila ay naka-quarantine na.

“Ang pinakamaraming OFWs na infected ay nanggaling sa probinsya ng Negros Occidental,” ani Juanico.

Mula nang mag-repatriate ang pamahalaan, 9,026 OFWs na raw ang umuwi ng Western Visayas. Pinakamarami sa kanila ang mula sa Iloilo. Aabot naman sa 24,027 ang kabuuang bilang ng LSIs na nakauwi ng rehiyon.

Paliwanag ni Juanico, tini-test pa rin nila ang LSIs na dumadating kahit protocol ng pamahalaan na mag-negatib muna sa rapid test ang mga umuwing residente.

“Hindi po lahat sa kanila ay nakakapag-test din po, so wala po silang ebidensya na negative sila at hindi naman po na-ensure na maganda ang pagkaka-quarantine nila.”

“Hindi po lahat sa kanila ay nakakapag-test din po, so wala po silang ebidensya na negative sila at hindi naman po na-ensure na maganda ang pagkaka-quarantine nila,” dagdag pa ng infectious disease expert.

Dahil sa protocol na dapat munang mag-quarantine ang mga umuuwing residente, ani Juanico, gamit na gamit ng returning OFWs at LSIs ang kanilang mga temporary treatment and monitoring facilities na may 5,674 bed capacity.

Sa ngayon nasa warning level naman ang 6,522-bed capacity ng hiwalay na isolation facility para sa confirmed cases ng komunidad.

Nilinaw ni Juanico na nasa safe zone pa ang critical care utilization rate ng 659 allocated beds and mechanical ventilators ng rehiyon. Pero ang utilization rate ng mga pasilidad para sa non-COVID patients ay nasa warning zone na.

May 92 health care workers at health human resources staff na ring apektado ng sakit.

Ayon sa opisyal, patuloy ang pag-iigting ng kanilang tanggapan sa pagpapatupad ng public health interventions kasabay ng pagbubukas ng ekonomiya sa Western Visayas.