Hinihintay pa ng Department of Health (DOH) ang resulta ng test samples mula sa dalawang Pinoy repatriates ng Diamond Princess cruise ship na nadagdag sa bilang mga itinuring na patients under investigation (PUI).

Kinumpirma ni Health Asec. Rosario Vergiere na nadagdagan pa ng dalawa ang bilang ng PUI mula sa mga Pinoy na umuwi galing Japan.

Kaya kung susumahin, pito mula sa 445 repatriates ang dinala sa ospital dahil sa mga iniindang sakit, ilang araw mula ng i-quarantine sa New Clark City o Athletes Village sa Capas.

Ang anim sa mga PUI ay nakaramdam ng pananakit sa lalamunan, habang ang isa ay may non-productive na ubo.

Una ng nag-negatibo sa COVID-19 ang apat sa kanila pero nananatili pa rin sa referral hospital.

Lahat naman daw silang pito ay nasa stable condition at mabuting nababantayan ng mga healthcare staff.

Sasailalim din daw sa psychosocial counseling ang mga ito, pati na ang lahat ng kasama nilang umuwi ng bansa.