-- Advertisements --
DOH ROLLY 2
IMAGE| DOH data

Inilipat muna sa mga hotel at ospital ang nasa 324 na pasyente at staff ng ilang Mega Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMFs) bilang paghahanda ng Department of Health sa nagdaang Super Typhoon Rolly.

Kabilang sa mga pasilidad na nag-evacuate ng pasyente at staff ay ang: Ninoy Aquino Stadium, Rizal Memorial Coliseum, Filinvest Tent, PICC, at Philippine Arena.

Dinala ang kanilang mga nagpapagaling na COVID-19 patients at empleyado sa mga hotel sa Pasig, Maynila at Quezon City.

“Before the landfall, we transferred our patients to hotels (hotel isolation facilities) having been managed by our Oplan Kalinga,” ayon kay Dr. Gloria Balboa, director ng DOH Health Emergency Management Bureau.

Batay sa tala ng ahensya, may 19 Mega TTFMs sa buong bansa. Nasa higit 1,200 naman ang bilang ng pasilidad na hawak ng local government units.

Ayon kay Balboa, naglipat din ang LGUs ng Makati, Pasay at Las Pinas City ng kanilang mga pasyente sa mga hotel at ospital.

“They’re really need to look into structural integrity of these TTMFs.”

Sa Bicol region naman, tanging mga pasyente at staff sa Quarantine facility ng Albay pa lang daw ang napaulat sa kanilang nailikas sa mga eskwelahan at evacuation centers. Nangangalap na rin daw ng datos ang ahensya tungkol sa mga nasirang pasilidad sa Catanduanes.

Catanduanes Rolly Hospital
IMAGE | Damage in Juan M. Alberto Memorial District Hospital in San Andres, Catanduanes/Dr. Miggy Rodulfo, Frontliners PH

“Our people at regional and provincial offices are still validating the damages sa ating facilities, and even the casualties and injuries.”

Hanggang sa ngayon ay nasa mga hotel at ospital pa rin daw ang mga inilikas na pasyente at staff. Wala pa raw kasing tiyak na petsa ng kanilang pagbalik sa isolation facilities dahil sa inaasahan pang pagdating ni bagyong Siony.

Naglaan ang Health department ng higit P31-million na halaga ng gamot, medical kits, at health kits para sa mga local offices nito na tinamaan ng bagyo.