-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Hinikayat ng Department of Health – Center for Health Development (DOH-CHD) SOCCSKSARGEN Region ang publiko lalo na sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak na may edad 5 years old pababa bilang suporta sa kampanya ng ahensya kontra sa sakit na polio.

Sinabi ni DOH-CHD XII Assistant Regional Director Dr. Sulpicio Henry, binibigyang importansya ng ahensiya ang kampanya nito kontra polio dahil sa hindi pa rin polio-free ang bansa.

Aniya, importante ang suporta ng mga magulang sa kampanya nito upang maiwasan ang pagkakaroon ng epidemic dahil sa kawalan ng bakuna sa mga bata.

Siniguro naman ng DOH-CHD XII na susundin ang panuntunang pangkalusugan laban sa banta ng nagpapatuloy na coronavirus o COVID-19 pandemic kapag magsisimula na ang isasagawang pagbabakuna na nakatakda sa July 20 hanggang August 20, 2020.

Target ng ahensiya na mababakunahan ang mahigit 5,000 na mga bata sa rehiyon.

Samantala, pinawi naman ng DOH-CHD XII ang pangamba ng mga magulang sa pagpapabakuna dahil sa naging issue sa denvaxia vaccine.

Nilinaw ni DOH-CHD XII Family Health Cluster Head Dr. Edvir Jane Montañer, ligtas at epektibo ang polio vaccine kung saan higit 4,000,000 na mga bata na sa buong mundo ang nakagamit nito.