-- Advertisements --

Aabot sa 11,018 ang bilang ng confirmed COVID-19 cases na piniling sa bahay na lang mag-quarantine habang nagpapagaling, ayon sa Department of Health (DOH).

Paliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang nasabing bilang ay porsyento ng 29,087 active cases, o mga nagpapagaling mula sa impeksyon ng COVID-19.

Batay sa data ng Health department, pinakamaraming confirmed cases ang naka-home quarantine sa Cordillera Administrative Region na aabot sa 3,571.

Sumunod ang Central Visayas sa 2,189 at Ilocos region na may 2,184.

Pinakamababa naman ang bilang sa Central Luzon na may walo, at dalawa mula sa Bicol.

Noong Marso, kinumpirma ng DOH na papayagan na nilang mag-home quarantine ang mga mild at asymptomatic COVID-19 cases.

Kaakibat lang nito ang pagsisiguro na may hiwalay na mga gamit, kwarto at palikuran ang confirmed case paguwi nito sa bahay.

Ayon sa DOH, ang mga Barangay Health Emergency Response Team ang may mandato na mag-monitor sa mga confirmed case na nag-home quarantine.