Nilinaw ng Department of Energy (DOE) na hindi agad makakapagpatayo ang bansa ng mga nuclear power plant ito’y kahit pa naipasa na bilang batas ang Philippine National Nuclear Energy Safety Act.
Ayon kay Energy Undersecretary Sharon Garin, target nila na maipatayo ang mga planta sa 2032, ngunit kailangan pa rin aniya nitong sumunod sa mga pamantayan ng International Atomic Energy Agency (IAEA).
Magugunitang pumasa ang Philippine National Nuclear Energy Safety Act, matapos itong ma-ratify ng Senado at Kamara kung saan itatatag ang Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM) na siyang magsisilbing ahensya na magsusuri at magre-regulate ng lahat ng aspeto ng nuclear energy sa bansa, kabilang ang kaligtasan, konstruksiyon, at operasyon ng mga pasilidad.
Umaasa ang DOE na magbibigay-daan ang pagbuo ng PhilATOM hindi lamang sa enerhiya, kundi pati na rin sa mga makikinabang mula sa teknolohiya sa larangan ng kalusugan, agrikultura, at scientific research.