Nagbabala ang pamunuan ng Department of Energy sa publiko laban sa mga indibidwala na umanoy gumagamit sa pangalan ng ilang mga opisyal nito.
Una rito ay nakatanggap ng ulat si Energy Undersecretary Felix Fuentebella na may mga indibidwal na umanoy nagapanggap na mga empleyado at opisyal ng DOE at nanghihingi ng donasyon sa Phil Red Cross.
Ginagamit aniya ang pangalan ng mga opisyal ng naturang ahensiya, at nakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng PRC, kasabay ng panghihingi ng donasyon para sa ilang proyekto nito.
Ayon kay Fuentebella, pinagbabawalan ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na manghingi ng pera mula sa mga organisasyon o sinuman.
Kasabay nito ay hiningi ni Fuentebella ang tulong ng publiko upang mahuli ang mga gumagawa ng naturang panloloko.
Maaari aniyang isumbong sa DOE ang mga naturang indibidwal o grupo ng indibidwal sa pamamagitan ng numerong 8479-2900 o mag-email sa infocenter@doe.gov.ph.
Tiniyak naman ng opisyal na iimbestigahan ang naturang isyu, kasabay ng babalang papatawan ng kaukulang kaso ang sinumang mapapatunayang gumagawa nito.