Umaasa ang Kamara na masertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na naglalayong pahintulutan ang mga local government units na makabili ng direkta sa COVID-19 vaccine manufacturers.
Ayon kay House Committee on Economic Affairs chairman Junie Cua, sponsor ng proposed Emergency Vaccine Procurement Act of 2021, hiniling na ng liderato ng Kamara sa Pangulo na sertipikahang urgent ang House Bill 8648 para mabilis itong maaprubahan sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa plenaryo.
Hangad ng panukalang batas na ito na pabilisin ang pagbili at pagtuturok ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Nakasaad sa panukala na exempted ang mga local government units sa requirements na nakapaloob sa ilalim ng Republic Act 9184 o ang Government Procurement Reform Act at iba pang mga kaparehas na batas.
Kabilang sa mga amiyenda na isinusulong para sa panukalang batas ay ang paglagay ng probisyon para sa pagbuo ng COVID-19 National Vaccine Indemnity Fund, na siyang hahawakan ng PhilHealth.
Sinabi ni Cua na ang P500-million fund ay gagamitin bilang compensation sa sinumang matuturukan sa ilalim ng COVID-19 vaccination program, sakaling pumanaw o makaranas ang mga ito ng adverse effects.
Kukunin ang pera na ito mula sa Contingent Fund ng Office of the President.
Samantala, sinabi naman ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na ang pinakamahalagang national police sa ngayon ay ang pagbili ng mga bakuna.
Sa kanyang tantya, aabot sa P10 hanggang P20 billion ang nawawala sa economic activity kada araw dahil sa mobility restrictions.