Ipinag-utos ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang pagsibak sa puwesto kay C/Supt. Joseph Adnol bilang Philippine National Police Academy (PNPA) director.

Ang pagkakasibak kay Adnol ay bunsod ng panibagong iskandalo na kinasasangkutan ng mga kadete.

Inatasan din ni Año si Philippine Public Safety College (PPSC) President Ricardo De Leon na magsagawa ng malalimang imbestigasyon ukol sa insidente at bumuo ng mga hakbang para hindi na maulit pa ang insidente sa loob ng academy.

Magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) para matukoy ang criminal liability ng mga sangkot na senior cadets.

“We should not allow this so-called tradition or culture of violence to continue within the hallowed halls of the PNPA. It is contrary o the ideals of the PNPA as the premier institution that produces the future police, fire and jail officers in our country,” pahayag ni Año.

Nitong Marso lang ay nasangkot din sa iskandalo ang PNPA cadets kung saan binugbog ng mga lower classmen ang kanilang kaga-graduate na seniors.

Samantala, hindi pa natatanggap ng PNPA director ang relief order mula sa DILG.

Gayunpaman, inaasahan na niya raw ito bilang bahagi ng command responsibility.

Ito’y sa kabila ng pahayag kahapon ni PNP Chief Oscar Albayalde na pahihintulutang manatili sa puwesto si Adnol hanggang sa mailipat ang PNPA sa pangangasiwa ng PNP mula sa Philippine Public Safety Colleges.

Ayon kay Albayalde, si S/Supt. Chiquito Malayo, na dating hepe ng Counter-Intelligence Task Force, ang kanilang irerekomenda na pumalit kay Adnol bilang PNPA director.