-- Advertisements --

Nagbabala si Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno sa publiko na manatiling mapagbantay sa gitna ng idineklarang state of national calamity, dahil aniya, maaaring mauwi ito sa mga iregularidad na katulad ng nangyari sa kontrobersiyal na Pharmally deal kung hindi mapapanagot at mababantayan ang mga nasa kapangyarihan.

Kamakailan, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Proclamation No. 1077 na nagdedeklara ng isang taong state of national calamity bunsod ng pinsalang dulot ng Bagyong Tino. 

Saklaw din ng proklamasyon ang iba pang kalamidad na maaaring mangyari sa loob ng naturang panahon.

Bilang tugon, inilahad ni Diokno ang ilang rekomendasyon upang maiwasan ang pang-aabuso ng emergency powers, kabilang ang malinaw na pagtukoy sa saklaw at kondisyon ng pagpapatupad o pagbawi ng state of emergency.

Kabilang din sa kanyang mga suhestiyon ang regular na public reporting at independent audit sa paggamit ng pondo, pati na ang aktibong pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan sa paggawa ng desisyon at pagsubaybay.

Dagdag pa rito, iminungkahi ni Diokno na lahat ng negotiated contracts ay dapat ilathala online upang masiguro ang transparency at mabigyan ng pagkakataon ang publiko na masuri ang mga ito.

Dapat din umanong iwasan ang pagbibigay ng kontrata sa mga kompanyang kulang sa kapital upang mapigilan ang pagsasamantala sa mga patakaran ng emergency procurement.