Nangako ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang isang mabilis na pagresolba sa kasong pagbaril-patay sa beteranong radio broadcaster na si Percy Lapid.
Kasunod ito ng pagsasapubliko ng kagawaran kasama ang Philippine National Police (PNP) sa “enhanced digital photo” ng isang lalaking tinukoy nilang person of interest sa naturang kaso na pinaniniwalaang gunman ni Lapid.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, kasalukuyan nang nagtutulungan ang Philippine National Police at iba pang units nito sa National Capital Region Police Office (NCRPO), kabilang na ang PNP-Anti-Cybercrime and Intelligence Units, at ang Special Task Force na binuo naman nito upang resolbahin ang kasong ito.
Kung maaalala, kasabay nang ginawang pagsisiwalat ng pulisya sa larawan ng lalaking pinaniniwalaang gunman ni Lapid ay inihayag din ni Abalos na tinaasan na nila sa Php1.5 million pesos ang pabuya sa sinumang makakapagturo sa pagkakakilanlan ng naturang suspek.