Hinimok ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang low-compliance local government units (LGU) na paigtingin pa ang kanilang mga hakbang bilang tugon sa mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa road clearing operations.

Ayon kay DILG spokesperson Usec. Jonathan Malaya, dapat ipagpatuloy ng LGUs ang kanilang inisyatibo para malinis ang mga obstruction sa mga kalye, lalo na para sa mga bigong makasunod sa utos ng pangulo.

Para sa tagapagsalita, kailangan ng “sustained road clearing operations” bilang susi sa tagumpay, gayundin na para mapanatili ang disiplina sa public roads.

Batay sa datos na inilabas ng DILG nitong October 16, mula sa 1,516 validated LGUs, 387 ang nakakuha ng high compliance rating, habang 635 ang medium compliance, samantalang 393 ang nakakuha ng low compliance.

Nasa 101 LGUs naman ang nakakuha ng failed rating at pinadalhan na ng show cause order ng DILG.

Nasa 99 barangays naman sa Maynila ang pinadalhan ng show cause order ng DILG.

Limang araw ang ibinigay sa mga barangay chairman para sagutin ang pinadalang show cause order at kapag hindi nasagot ng tama irerekumenda ng DILG sa city council ng Manila ang suspension ng mga barangay chairmen.