Kung si Interior Sec. Eduardo Año raw ang tatanungin, kulang sa katwiran ang inilabas na mga datos ni Vice Pres. Leni Robredo sa kanyang report kaugnay ng drug war ng administrasyon.

Nilinaw ng kalihim na bagamat iginagalang nito ang opinyon ng bise presidente, ay hindi rin maitatanggi na kulang ng kredibilidad ang ulat na isinapubliko nito kahapon.

“That is her opinion… ako, kung sino man ‘yung gumawa ng materials niya, that’s actually bereft of logic, it’s like counting the chickens before the eggs are hatched. Para bang sinabi mo na may sampung baboy, manganganak araw-araw, binilang mo na hanggang tatlong taon,” ayon sa kalihim.

Magugunitang inamin ni Robredo na galing sa pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga datos na kanyang ipinresenta.

Pero ayon kay Año, hindi pa maituturing na pinal ang mga ito dahil sa tinatawag na “working data” o yung mga datos na patuloy pang nababago at nadadagdagan.

-- Advertisement --

“Probably the basis is one interview and they’re actually pointing to a particular period of time but you cannot generalize it as if it is the gospel truth.”

Hindi naman nagustuhan ni Interior chief ang banat ni Robredo sa Oplan Tokhang na wala umanong operational guidelines.

“Meron. Sa PNP, I’ve read their operational plan. Kumpleto ‘yun from Oplan Tokhang, Oplan Double Barrel tapos Double Barrel Reloaded. It’s all documented.”

“They cannot do things like in the police and military… di puwedeng boka-boka lang diyan kasi people will always look for orders, documents.”