Nasa 349 na mga local government officials ang tinukoy ni Interior Sec. Eduardo Año na nagbibigay suporta o nagbabayad ng mga campaign fees at extortion money sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Binalaan ni Año ang mga nasabing local government officials na itigil na ang pagbibigay ng pera sa rebeldeng komunista.

Sa nasabing bilang, 11 ay mga provincial governors; limang vice governors; 10 provincial board members; 55 mayors; 21 vice mayors; at 41 councilors.

Kabilang din sa listahan ang 126 barangay captains; 50 barangay councilors; at walong iba pang barangay officials.

Ang mga nagbibigay naman ng extortion money ay ang 11 dating local government unit (LGU) officials, 10 incumbent congressman, at isang dating congressman.

Mula noong 2016 at 2018 elections nakalikom ng pondo ang CPP-NPA ng nasa mahigit P195.5-milyon.

May pinakamaraming na-monitor na opisyal na nagbibigay ng pinansiyal na tulong sa CPP NPA ay sa Regions 10, 4, 11, 2 at 8.

Apela naman ni Año sa publiko na huwag iboto ang mga pulitiko na may kuneksiyon at ugnayan sa makakaliwang grupo.