Reading Time: 1 minute

Itinanggi ng China na sila ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng delay para maisapinal na ang Code of Conduct (COC) sa West Philippines Sea.

Sa katunayan, ayon kay Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua, ang China ang nagsusulong sa pakikipag-ugnayan sa Pilipinas para ito ay mapadali at mabuo na.

Aniya, nais nila na matapos na ang COC sa loob ng tatlong taon upang magkaroon na ng protocols o guidelines na dapat sundin ng mga claimant countries at maiwasan ang anumang girian o conflict sa West Philippine Sea.

Una nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na China ang nagdi-delay sa ‘di pa matapos-tapos na COC kaya isa ito sa mga isyu na kaniyang tatalakayin kay Chinese Pres. XI Jin Ping sa pagtungo nito sa China.

Pero may patutsada naman si Chinese Ambassador Zhao sa kung sino ang nagpapaantala para ma-finalize na ang COC.

“It is China who is working very hard with the Philippines and other ASEAN countries tried and even to conclude COC earlier than 3 years, we are not delaying the process. It is someone else in Southeast Asia and outside Southeast Asia, do I have to specify? make your guess,” pahayag ni Chinese Amb. Zhao Jianhua.

Malaya aniya si Pangulong Duterte na ipahayag ang mga nais nitong sabihin pero hindi kilalanin ng China ang desisyon ng Arbitral Court.

Samantala, nananatili naman daw bukas ang China sa planong joint oil exploration sa West Philippine Sea kung saan 60/40 ang magiging hatian pabor sa Pilipinas.

Tiniyak ni Zhao na wala silang balak na humingi pa ng mas malaking share kaysa sa Pilipinas.