-- Advertisements --

Maghahain ng panibagong diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China dahil sa nakakaalarmang pinaggagagawa ngayon ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Ipinag-utos ito ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. kasunod nang sinabi ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na patuloy pa ring nananatili ang nasa 150 Chinese vessels sa WPS.

Sa kanyang Twitte account, sinabi ni Locsin na “unlawfully” niraradyohan ng Chinese vessels ang martime patrols ng Pilipinas.

Sa ngayon aniya ay nasa bisinidad pa rin ng Iroquois Reef ang mga Chinese fishing vessels na ito.

Nabatid na ang naturang bahura ay isa sa mga unoccupied features sa Spratly Islands na matatagpuan sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Inatasan na rin ng kalihim ang kagawaran na maghain ng protesta laban sa “incessant” at “unlawful restriction” ng China sa mga mangingisdang Pilipino sa Bajo de Masinloc.

Marso ng kasalukuyang taon nang uminit ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Beijing kasunod nang pagdagsa ng mahigit 200 fishing vessels sa Julian Felipe Reef at sa iba pang maritime features sa loob ng EEZ ng Pilipinas.