Sinampahan na ng Bureau of Immigration (BI) ng deportation case ang Spanish national na si Javier Salvador Parra na nakipagmatigasan sa mga pulis sa Dasmariñas Village, Makati City.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente ang deportation charge ay naihain na laban kay Parra na una nang nag-viral ang video sa social media matapos itong makipagmatigasan sa mga pulis na aaresto sa kanya ng Makati police dahil umano sa paglabag sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) policies.
Lumalabas na overstaying na rin ang naturang banyaga dito sa Pilipinas.
Una rito, ini-report si Parra dahil umano sa hindi pagsusuot ng facemask ng kanyang kasamahan sa bahay habang nagdidilig ng halaman sa labas ng kanilang bahay.
Dahil dito, agad pumasok sa bahay ang nagdidilig ng halaman at dito naman lumabas si Parra para komprontahin ang mga pulis.
Sinabi ni Morente na ang deportation case ay hiwalay sa criminal cases na inihain ng PNP laban sa Spanish national.
“Foreign nationals who are here in the country are expected to follow Philippine laws, especially in these special times wherein public health and safety is at risk. There is no exemption, whether you are living in a posh village, or in a slum area, you must obey the law,” ani Morente.