IMG 20191217 132821

Lilimitahan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).

Ito ang inanunsiyo ni Labor Sec. Silvestre Bello III kasunod ng pag-ulan ng mga reklamo sa kanila mula sa mga kababayang Pinoy sa Saudi Arabia na ilang taon nang hindi nakatanggap ng kanilang sahod.

Ayon kay Bello, aabot na sa 300 overseas Filipino workers (OFWs) sa KSA ang hindi nakakakuha ng kanilang sahod na aabot na raw sa kabuuang P4.6 billion.

Ang mga nagreklamong OFWs ay pawang nagtatrabaho sa mga malaking oil at construction companies.

Nakausap na rin umano niya ang ambassador ng KSA para makialam na ang gobyerno sa isyu pero wala pa rin itong aksiyon.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte at sumulat na sa hari ng Saudi Arabia hinggil rito pero wala pa ring tugon hanggang sa ngayon.

Aabot sa 13,000 OFWs ang napabalik na sa bansa sa tulong ng DOLE matapos hindi sahuran ng kanilang employer.

Pero nilinaw ng kalihim na ang limitasyon sa deployment ay para sa mga bagong manggagawa lamang.

Tatalakayin pa raw kasi ng government board ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang magiging lawak ng pagbabawas ng deployment ng mga OFEs patungong KSA.

Kabilang naman sa mga maaapektuhan ang mga nagtatrabaho bilang household service at skilled workers.

Sa data ng DOLE, nasa 3 milyon ang bilang ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa Saudi Arabia.