Tututukan ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang pansamantalang pag-ban ng bansa ng mga Pinoy medical workers sa ibayong dagat.
Sa memorandum na inilabas ng Bureau of Immigration (BI), pinaalalahanan nito ang mga tauhan ng BI na kabilang sa mga hindi muna papayagang makalabas ng bansa ang mga:
1. Medical Doctor / Physician
2. Nurse
3. Microbiologist
4. Molecular Biologist
5. Medical Technologist
6. Clinical Analyst
7. Respiratory Therapist
8. Pharmacist
9. Laboratory Technician
10. X-ray / Radiologic Technician
11. Nursing Assistant / Nursing Aide
12. Operator ng medical equipment
13. Supervisor ng health services at personal care
14. Repairman ng medical-hospital equipment
Hindi papayagan ang mga health professionals ng bansa na mag-abroad dahil na rin sa kinahaharap ng Pilipinas ngayon na Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Una rito, sa order na inilabas noong Abril 2 na pirmado ni Labor Sec. Silvestre Bello III na siya ring chairperson ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), ipagbabawal munang mangibang bansa ang mga medical frontliners hanggat hindi pa lifted ang national state of emergency.
Sinabi ng POEA na base sa probisyon ng Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, nabigyan ang Executive ng kapangyarihan na kumuha ng mas maraming health workers bilang karagdagang manpower para labanan ang novel coronavirus outbreak.
“It is of paramount national interest to ensure that the country shall continue to have, sustain the supply of, and prepare sufficient health personnel to meet any further contingencies, especially to replace, substitute or reinforce existing workforce currently employed, deployed or utilized locally,” base sa order ng POEA.