-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na may ginagawa na silang hakbang para masolusyunan ang problema sa malnutrisyon sa mga kabataang mag-aaral sa buong bansa.

Ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, palalakasin nila ang pagpapatupad ng support programs partikular ang school-based feeding program na namamahagi ng hot meals, masustansiyang pagkain at gatas sa mga estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 6.

Batay sa datos ng Department of Education nasa 3.5 million ang benepisiyaryo ng feeding program kung saan 1.7 million dito ang wasted at severely wasted children habang 1.8 million naman ang mga nag-aaral sa Kinder.

Layon ng programa na mapabuti ang attendance ng mga bata sa classroom at hikayatin sila na pumasok sa paaralan araw-araw.

Isusulong din ng DepEd and diet counseling, deworming, at iba pang aktibidad para i-promote ang nutrisyon ng bawat learners.

Sinabi ni Poa nakapaloob sa flagship programs ng DepEd ang pagkamit ng sustainable at holistic school health and nutrition program.