Nagbabala ang Department of Education (DepEd) sa publiko na huwag papaloko sa paglipana ng pekeng post online na namimigay umano ang ahensiya ng cash aid para sa lahat ng graduating student ngayong 2024.
Inisyu ng ahensiya ang naturang misinformation alert nitong linggo sa kumakalat online kaugnay sa pekeng cash assistance na nagkakahalaga ng P8,000 para sa graduating students ng Class 2024.
Ayon sa post na may logo ng DepEd at larawan ni VP at Education Sec. Sara Duterte, ang mga aplikante ay dapat na magsumite umano ng PSA birth certificate, isang moral certificate at kanilang report card para magkwalipikado para sa cash assistance.
Bukas umano ito para sa mga elementary, high school at college students na graduating at nakatakda ang deadline ng pagpapalista sa Mayo 20.
Ito ang ikaapat na pagkakataon na nagbabala ang DepEd kaugnay sa mga kumakalat na post na nagaalok ng bogus cash assistance o schlarship para sa mga estudyante.
Kaugnay nito, hinimok ng DepEd ang publiko na ireport ang misleading at kahina-hinalang mga impormasyon may kinalaman sa basic education sa depedactioncenter@deped.gov.ph.