Hinihimok pa rin ng isang eksperto mula sa Department of Health (DOH) na ipagpatuloy pa rin ang paggamit ng face mask ng mga estudyante sa loob ng mga paaralan, isang linggo bago ang nakatakdang full implementation ng face to face classes.
Ayon kay DOH Technical Advisory Group Pediatric Infectious Diseases Dr. Anna Ong-Lim, walang mawawala kung ipagpapatuloy ng mga estudyante ang pagsusuot ng face mask lalo na kapag sila ay magsisimula ng magsagawa ng 5 days in-person classes simula sa Nobyembre 2.
Saad pa ni Dr. Ong Lim na ang COVID-19 infections ay madalas na tumataas kapag magkakaroon ng pagbabago o kung may pagluluwag sa mga protocol sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na pandemiya.
Inirekomenda pa ng eksperto na maaari pa rin na magsuot ang mga estudyante ng face mask habang inoobserbahan pa kung dadami ang mga kaso dahil sa pagsasama-sama ng mga bata sa school settings.
Pinunto din ni Dr. Ong-Lim na natuto na rin tayo sa nakalipas na dalawang taon at napagtanto na ang face mask ay nakakatulong hindi lamang laban sa COVID-19 kundi sa iba pang infectious o nakakahawang sakit partikular na sa respiratory infections.
Una ng pinayagan ng Department of Education (DepEd) ang optional na pagsusuot ng face mask ng mga estudyante sa outdoor settings alinsunod sa existing national policy.