-- Advertisements --

Bibigyan ng notice of violation ng DENR ang may-ari ng power barge na siyang pinagmulan ng tumagas na langis sa karagatan ng Iloilo City noong nakaraang linggo.

Hulyo 3 ay nagkaroon nang pagsabog na nagdulot ng pinsala sa power barge na nakadaong sa Barrio Obrero na pagmamay-ari ng AC Energy Corp. na siyang dahilan nang pagtagas ng tinatayang 40,000 litro ng bunker fuel.

Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, magkakaroon ng technical conference para pag-usapan kung anong diskarte ang gagawin sa clean-up operations sa nangyaring oil spill.

“The case will be endorsed to PAB (Philippine Accreditation Bureau) for computation of fines against AC Energy Corp.,” ani Antiporda.

Sa ngayon, inatasan na ang may-ari ng power barge na linisin ang oil spill, at ayon kay Antiporda, humingi na rin ito ng tulong sa third party para magsagawa ng clean-up operations sa apektadong mga lugar.

Prayoridad ngayon aniya nila na ma-contain ang oil spill sa barge at iwasan na umabot ito sa mga pangpang.

Sa ngayon, ang Philippine Coast Guard ang nangunguna sa clean-up operations.