Nais isulong ni President Donald Trump ang Defense Production Act upang tulungan ang mga kumpanyang gumagawa ng ventilators na matanggap ang mga kinakailangan nilang materyales sa produksyon.
Bunsod pa rin ito ng patuloy na pakikipaglaban ng Estados Unidos sa coronavirus outbreak.
Sa ibinahaging memo ng White House, ipinag-utos ng American president sa sekretarya ng US Health and Human Services na gamitin ang kaniyang kakayahan upang tumulong sa pag-facilitate ng suplay para sa mga materyales ng ventilators na ipapadala sa anim na kumpanya.
Ito ay ang General Electric, Hill-Rom Holdings, Medtronic, Resmed, Royal Philips at Vyaire Medical.
Ito’y kasunod nang paulit-ulit na panawagan ng mga mambabatas kay Trump para isagawa ang naturang hakbang upang kahit papaano ay mabawasan ang pangamba ng mamamayan ng Estados Unidos hinggil sa kakulangan ng bansa sa ventilators.
Nagpahayag naman ng kaniyang pasasalamat ang Republican president dahil sa pakikipagtulungan ng mga domestic manufacturers para pabilisin ang produksyon ng ventilators.
Sa ilalim ng Defense Production Act ay inaatasan nito ang pinuno ng Federal Emergency Management Agency (FEMA) na kumuha ng maraming N95 masks mula sa iba’t ibang subsidiaries ng American government.