Muling nabuhay ang usapin ng death penalty sa Kamara kasunod ng issue sa good conduct time allowance (GCTA) sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon kay ACT-CIS Party-list Rep. Nina Taduran, pina-plantsa na nila ang ihahaing panukala para ibalik ang parusang bitay sa Pilipinas.

Layunin daw nito na maiwasan ang paglaya ng convicted criminals ng mga karumal-dumal na krimen.

Ipinunto ng kongresista ang mga issue sa nakalipas na linggo tulad ng nakaambang paglaya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Sa organizational meeting ng House Justice Committee nitong umaga, sinabi ng BuCor na higit 2,000 na kriminal mula sa heinous crimes ang nakalaya mula 2013 dahil sa GCTA.

Bagay na kinuwestyon ng kongresista.

Ayon kay Taduran, dapat may safeguards ang batas nang maiwasan na magkaroon ng “selective justice” sa mga kriminal.