-- Advertisements --

Tiniyak ni House Majority Leader Martin Romualdez na dadaan sa masusing deliberasyon ang mga nakabinbing panukalang batas na naglalayong ibalik ang pagpataw ng parusang kamatayan.

Ito ay matapos na umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso sa kanyan State of the Nation Address (SONA) kahapon na aprubahan ang panukalang magbabalik ng death penalty sa pamamagitan ng lethal injection para sa mga krimen na nakasaad sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay Romualdez, hihimayin nila ng husto ang mga nilalaman ng mga nakabinbin na panukala.

Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo, inilahad naman ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate ang mariing pagtutol ng Makabayan bloc sa pagbabalik ng parusang kamatayan.

Napatunayan naman aniya sa mga nakalipas na taon na hindi deterent o totoong makakasupil sa kalakaran ng iligal na droga ang pagpataw ng parusang kamatayan.

Makikita aniya ito sa ilang libong nasawi sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga, na sinimulan ni Pangulong Duterte nang maupo ito sa puwesto noon pang 2016.

Sa oras na maibalik ang pagpataw ng parusang kamatayan, sinabi ni Zarate na posibleng gamitin ito ng pamahalaan bilang armas laban sa mga mahihirap.

Mababatid na inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang death penalty bill noong 17th Congress pero bigong makalusot sa Senado.

Ngayong 18th Congress, 13 panukalang batas para sa reimposition ng death penalty ang nakabinbin sa Kamara.