Nag-abiso ang PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration) na magkakaroon pa rin ng mga pag-ulan sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ito’y bagama’t gumanda na ang panahon kahapon matapos ang pananalasa ng Bagyong Butchoy.

Kaugnay nito, pinag-iingat ng ahensya ang mga nasa Visayas, Mindanao, at Palawan dahil sa mga posibileng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng maulap na panahon na magdudulot ng kalat-kalat na pag-ulan.

Ayon kay Ariel Rojas ng PAGASA, ito ay dahil sa Inter Tropical Convergence Zone o hanging nagkasalubong mula sa Pasipiko.

Para naman sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon, magdudulot ito ng tinatawag na rain showers at thunderstorms pagsapit ng hapon.

Nitong June 12 kasabay ng 122nd Independence Day sa bansa, nang ianunsyo ng PAGASA ang opisyal na pagsisimula ng panahon ng tag-ulan.

Samantala, wala namang aasahang panibagong weather disturbance na papasok sa Philippine area of responsibility sa mga susunod na araw.