quarantine

Nagsimula na ngayong araw ang community quarantine sa kalakhang Maynila.

Kaninang alas-12:01 ng madaling araw, March 15, naging epektibo ang community quarantine sa National Capital Region (NCR).

Kaugnay nito, mahigpit na ipinapatupad ng mga sundalo at police officers ang checkpoints partikular sa mga borders ng Metro Manila.

Ang nasabing hakbang ay bahagi ng effort ng pamahalaan para maiwasan na kumalat pa ang Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 ngayong nasa Code Red Sub-Level 2 alert na ang bansa.

Sinimulan na rin ang inspeksyon sa mga checkpoint sa mga sasakyan, jeepneys, buses at trucks kung saan kinukuhanan ng body temperatures ang mga sakay.

Pero resulta ng checkpoints ay sobrang trapik.

Mismong si NCRPO (National Capital Region Police Office) chief M/Gen. Debold Sinas ang nanguna sa isinagawang checkpoint operation kaninang madaling araw kasama si Joint Task Force (JTF) NCR commander B/Gen. Alex Luna.

Mahigpit din ang koordinasyon ng NCRPO at JTF NCR hinggil sa umiiral na community quarantine.

Una nang sinabi ni Sinas na hindi pa gaano magiging istrikto sa mga checkpoint ang mga otoridad, kundi palalakasin muna ng Philippine National Police ang kanilang visibility sa mga checkpoint.