Kapwa kinumpirma ng PNP at AFP sa Central Mindanao na mga teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na Dawlah Islamiyah ang nasa likod ng pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat na ikinasugat ng 18 indibidwal.

Sa panayam kay PRO-12 regional police director, P/BGen. Eliseo Tam Rasco, pangingikil ang motibo sa pagsabog dahil hindi umano pinansin ng may-ari ng restaurant ang natanggap nitong extortion text messages na ipinadala ng teroristang grupo.

Nakumpirma ng PNP at AFP na ang grupo ni Abu Toraife ang nasa likod ng pagsabog ay base sa signature ng improvised explosive device (IED) na ginamit.

Binubuo na rin ng PNP ang composite facial sketch ng suspek, at kanila na rin daw binubusisi ang mga nakuhang CCTV footages.

Sasampahan naman ng kasong frustrated multiple murder at damage to property ang suspek.

Inaalam na rin ng PNP kung may mga negosyante pa sa Sultan Kudarat ang nakakatanggap ng extortion text message o extortion letter.

Ayon naman kay 6th Infantry Division Commander, MGen. Cirilito Sobejana, bukod sa signature ng BIFF ang IED na ginamit, kanilang nakumpirma na sa grupo ni Salahuddin Hassan nagmula ang extortion text message na ipinadala sa may-ari ng restaurant.

Anang heneral, may ginamit silang gadget sa pamamagitan ng kanilang database para matukoy saan nanggaling ang extortion text message.

Aniya, modus ngayon ng teroristang grupo na mag-extort ng pera ng teroristang grupo dahil wala na silang nakukuhang pondo mula sa international terror group.