KORONADAL CITY – Mahigpit na naka-monitor ang Office of Civil Defense (OCD)-Region 12 sa sitwasyon ng mga residenteng apektado ng malalakas na lindol.

Napag-alaman na matapos ang panibagong pagyanig ng magnitude 6.9 na lindol nitong Linggo, ay nadagdagan ang mga naitalang danyos sa mga bahay at ilan pang imprastraktura ang patuloy na ina-assess.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay OCD-12 information officer Jorie Mae Balmediano, nagsasagawa sila ng continous monitoring lalo’t mayroon nang mga naitalang landslide sa Kidapawan City, gayundin sa Makilala, North Cotabato; Malungon, Sarangani Province; pati na sa ilang bayan sa South Cotabato.

Kinakatakutan din ang pagsabay ng malakas na buhos ng ulan habang lumilindol, dahilan na muling bumalik at nadagdagan ang trauma ng mga mamamayan sa rehiyon.

Sa ngayon marami pa rin ang nananatili sa mga tents dahil hindi pa normal ang sitwasyon sa Mindanao bunsod ng mga serye ng pagyanig.