Tiniyak ng Malacanang na pinakilos na ang lahat ng ahensya ng gobyerno na kailangang rumesponde sa panibagong lindol sa ilang bahagi ng Mindanao partikular sa Davao ngayong Linggo ng hapon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, “on top of disaster response” ang pamahalaan para alamin ang lawak ng pinsalang idinulot ng magnitude 6.9 na lindol.

“All concerned agencies of the government have been mobilized to respond to the present conditions and provide immediate assistance to those in need,” ani Panelo.

Kasabay nito ay ipinarating ni Panelo ang apela ng Office of the President na manatili sanang kalmado ang publiko sa gitna ng kahandaan sa mga aftershocks.

Samantala, ligtas din naman si Pangulong Rodrigo Duterte at ang pamilya nito na nasa kanilang hometown sa Davao nang mangyari ang lindol.

Kuwento pa ng tagapagsalita ng pangulo, pauwi naman ang partner ni Digong na si Honeylet Avanceña noong tumama ang malakas na pagyanig.