DAVAO CITY – Patay ang isang babae na kaka-graduate lamang nitong Huwebes sa kolehiyo, kasama ang isa pang kaibigan matapos sumalpok sa kasalubong na bus ang sinakyang kotse Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang mga biktima na sina Janilou Faye Rosales, 21, nagtapos ng kursong Bachelor in Medical Labotarory Science sa San Pedro College sa lungsod ng Davao at ang kaibigan nitong si Melody An Ybanez, 27.

Inihayag ni P/Cpl. Michael Novecio, imbestigador ng Talomo PNP naganap ang aksidente alas-4:08 ng madaling araw sa Quimpo Boulevard kung saan wasak at halos hindi na mamukhaan ang sinakyang kotse ng mga biktima.

Sa actual footage na kuha ng dashcam ng Davao Metro Shuttle bus, makikita na mabilis at sinalubong ng kotse ng mga biktima ang naturang bus.

Dahil sa sobrang lakas ng pagkakasalpok, nawasak ang kotse, tumilapon ang ibang parte nito at na-ipit ang mga biktima na siyang dahilan ng kanilang kamatayan.

Muling namang nagpaalala ang Traffic Group sa mga motorista na mag-ingat at sumunod sa speed limit na ipinapatupad.