KALIBO, Aklan – Dumulog sa tanggapan ng pulisya ang isang turistang Israeli matapos na pakitaan umano ng ari ng isang cook habang nagyoyoga sa Sitio Bulabod, Brgy. Balabag sa isla ng Boracay.

Kinilala ang turistang si si Ronna Salet, 23, taga-Israel samantala kinilala naman ang suspek na si Michael John Carbajosa, 22, tubong Tanza, Iloilo.

Napag-alaman na nakita umano ng suspek ang turista na nagsasagawa ng pagyoyoga sa naturang lugar kung saan nilapitan niya ito at tiningnan ng “napakalagkit.”

Sa pagnanais ng suspek na mapansin ito ng dayuhan ay lumapit ito na halos isang metro lamang ang distansya mula sa dalaga.

Ayon pa sa dayuhan matapos umano ang ilang minuto ay unti-unti ng ibinaba ni Carbajosa ang kanyang suot pang-ibaba at hayagang ipinakita ang kabuuan ng kanyang ari.

Sa pagsigaw umano ng dayuhan para makahingi ito ng tulong sa mga tao sa paligid ay dali-dali namang tumakbo palayo ang suspek ngunit agad naman itong naaresto ng mga rumesponding otoridad.

Sa ngayon ay nakakulong na sa Boracay Police Station si Carbajosa at mahaharap sa kasong grave scandal.