CAUAYAN CITY – Nagsisisi ang isang lalaki matapos niyang patayin sa sakal ang kanyang live-in partner at itinapon ang bangkay nito sa sagingan sa Anonang, Cordon, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Richard Gatan, hepe ng Cordon Police Station, sinabi nitong tumawag sa kanila ang barangay kapitan ng Anonang at ipinabatid ang pagkakatuklas nila sa bangkay ng isang babae sa sagingan.

Nakilala ang biktima na si Maricar Ortiz, 18, at residente ng nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng Cordon Police Station na ang suspek na si Vinson Salazar, 24-anyos ay live-in partner ng biktima.

Inamin ng suspek sa mga pulis ang pagpatay sa biktima dahil sa away sa pera.

Galing daw ang dalawa sa isang kasalan at habang pauwi ay nag-away sila sanhi para suntukin at sakalin ni Salazar hanggang mamatay ang biktima.

Matapos malagutan ng hininga si Ortiz ay itinapon ni Salazar sa sagingan ang kanyang katawan.