DAGUPAN CITY – Nagtamo ng mga malalang sugat sa katawan ang isang ginang matapos itong saksakin ng kaniya mismong asawa sa purok Maligaya Brgy Tagudin sa bayan ng Mabini, Pangasinan.

Sa impormasyon mula sa PNP, dakong alas-11:00 ng gabi bago mangyari ang insidente ay nasa loob ng kanilang bahay ang biktimang si Maria Joyce Salvador, kasama ang kaniyang asawa na si Daniel Magno at nagkakaroon ang mga ito ng argumento na napunta sa kanilang pagsasagutan.

Ngunit ilang minuto lamang umano ay nagtungo ang suspek sa kanilang kusina at pagbalik nito at mayroon ng hawak-hawak na kutsilyo.

Dito na niya inundayan ng saksak ang biktima partikular sa kaniyang leeg at sa iba pang bahagi ng kaniyang katawan.

Dahil sa takot ay agad na tumakbo ang biktima sa bukid malapit lamang sa kanilang bahay ngunit nagawa parin itong abutan ng suspek ngunit kasabay din nito ay nagsidatingan na rin ang ilang mga pulis na rumesponde sa insidente.

Hindi pa umano nakuntento ang suspek ay sinubukan pa nitong hawakan sa leeg ang kaniyang misis ngunit nagawang pumiglas ng biktima at nakatakas ito sa kamay ng suspek.

Ito na rin ang naging pagkakataon ng mga otoridad para arestuhin ang suspek at narekober ang kutsilyo na ginamit nito sa insidente.

Samantala ang biktima ay agad na dinala sa pagamutan upang malapatan ng paunang lunas matapos magtamo ng mga malalim sa sugat sa kaniyang katawan habang ang suspek naman ay nasamapahan na ng kasong frustrated parricide.

Sa imbestigasyon ng Mabini PNP lumalabas na selos ang naging ugat ng naturang pananaksak.