BUTUAN CITY – Sa pagnanais na makatulong sa pinaka-simple at tangi niyang nalalamang paraan, nai-post ng isang netizen ang kanyang nasaksihan, matulungan lamang ang 11-anyos na batang babae na lumapit sa doktor upang mabigyan ng gamot ang inu-ubo niyang kapatid.

Ayon sa post ni Keiner Legazpi Espinola ng Bislig City, Surigao del Sur, sobra siyang na-touch nang makita ang grade 6 pupil na si Rhea Oraiz
na nagpa-check up sa kanyang isang buwan pa lang na kapatid na lalaki sa Family Medical Clinic – Hospital sa Brgy. Mangagoy.

Sa kanyang FB post, isinalaysay umano ng bata na namatay ang kanilang ina noong ipinanganak ang kanyang kapatid dahil sa high blood pressure.

Nais umano nitong ma-check up ang kanyang kapatid at mabigyan ng gamot sa ubo dahil walang trabaho ang kanilang ama at nakikitira lang sila sa kanyang lola.

Hindi na nagawa pang magtanong ni Keiner dahil awang-awa na ito sa mga bata lalo na’t wala siyang maibigay na pera dahil sa kawalan din niya ng trabaho.

Umapela na lamang ito sa mga netizens na tulungan ang musmos na bata na walang ibang nais kundi ang mapagamot ang kanyang nakababatang kapatid.