Naka-hightened alert na rin ang Pangasinan Police Provincial Office sa posibleng pagpasok ng mga salarin sa pamamaril sa isang miyembro ng PNP Aviation Security Group sa Capas, Tarlac dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni P/Maj. Arturo Melchor, tagapagsalita ng Pangasinan Police Provincial Office, nagsasagawa na ng checkpoints ang mga operatiba sa mga lugar na papasok sa probinsiya particular na sa Bayan ng Rosales, Bayambang at Mangatarem.

-- Advertising --

Ito ay matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa Tarlac PPO na may insidente ng pamamaril sa isang miyembro ng PNP.

Sa kabila ng insidente, tiniyak ni Melchor na nananatili namang tahimik ang Pangasinan.

Una rito, patay matapos pagbabarilin si Staff Sgt. Michael Maun, na nakatalaga sa PNP Aviation Group sa Clark, Pampanga.

Sa inisyal na ulat, sakay ng kotse si Maun sa Barangay Cristo Rey, Capas nang overtake-an siya ng isa pang sasakyan.


Dalawang hindi pa nakikilalang gunman ang bumaba ng sasakyan at pinagbabaril si Maun, ayon sa pulisya at kuha ng CCTV sa insidente.

Sinugod si Maun sa Ospital ng Capas pero dineklara ring dead on arrival.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente at pagtugis sa mga bumaril kay Maun.

Nahanap ang abandonadong kotseng sinakyan ng mga gunman sa Barangay Arangonen, Capas.

P/Maj. Arturo Melchor, tagapagsalita ng Pangasinan Police Provincial Office