DAGUPAN, CITY— Naghahanda na ang mga fans ng Milwaukee Bucks para sa gaganaping victory parade matapos ang kanilang matagumpay na kampanya sa NBA 2021 conference finals.

Ayon kay Bombo International Correspondent Fernando Elegado Medina mula sa California, USA at tubong Alaminos City, Pangasinan, planong isagawa sa biyernes ang naturang selebrasyon upang mabigyan ng pagkilala ang tagumpay ng kanilang team sa nasabing torneyo.

-- Advertising --

Katunayan umano, maraming tao ang nanuod sa staduim na halos umabot sa humigit kumulang 100,000 na labis ang pagbubunyi dahil sa pagkakapanalo ng pangalawang NBA crown ng naturang team makalipas ang 50 taon.

Ibinahagi din ni Medina na talagang mahusay ang naturang team at tiwala ang mga mamamayan doon na masisilat nila ang naturang kampeonato dahil na rin sa balanseng depensa at opensa na ipinakita ng Bucks sa finals.

Marami din umano ang humanga sa naging stratehiya na ginawa ng Milwaukee sa finals at gayundin ang ipinakitang laro ni two-time MVP na si Giannis Antetokounmpo at siya ding tinanghal na finals MVP ng naturang serye.

Ang naturang panalo ang siyang pangalawang NBA title ng Bucks na huli pang nangyari noong taong 1971 sa panahon ng basketball legend na si Kareem Abdul-Jabbar at Oscar Robertson.