Tumanggap ang mga nasunugang residente ng Brgy Pantal West Dagupan City noong nakaraang Linggo ng financial assistance at food packs mula sa DSWD.

Bawat pamilyang nasunugan sa Sitio Patalan ay nakatanggap ng P5,000 cash assistance at relief packs mula sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

-- Advertising --

Bukod sa relief packs, nakatanggap din sila ng sleeping kit, family kit, kitchen kit at hygiene kit.

Ipinarating naman ni Pantal Punong Barangay Julie Perez na kabilang sa kagyat na pangangailangan ng mga nasunugan ang building materials.

Nakatanggap din sila ng tulong mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Pangasinan na personal na iniabot ni Provincial Director Jimmicio Daoaten.

Pinasalamatan naman ni Mayor Marc Brian Lim ang DSWD at TESDA sa inihatid nilang tulong para sa mga nasunugan.

Dagdag pa niya, malaking tulong ang inisyatibo ni Senator Bong Go na ipamahagi ang iba’t ibang tulong mula sa programang AICS ng DSWD.

Sa kasalukuyan, nasa 71 katao o 23 na pamilya ang nananatili sa Pantal Elementary School, ang nagsisilbing evacuation center ng mga nasunugan.