Pansamantalang naka-lockdown ngayon ang isang simbahan sa bayan ng Labrador, Pangasinan matapos na magpositibo sa covid19 ang isa sa mga dumalo sa misa noong nakaraang linggo.

Ayon kay P/Major Mark Tubadeza, Labrador PNP chief, base sa contact tracing, napag-alaman na bago lumabas ang resulta ng covid19 test ay dumalo pa ang naturang attendee sa misa sa isang Catholic Church sa barangay Poblacion sa nasabing bayan.

-- Advertising --

Nag-alay din sa simbahan ang nagpositibong attendee kung kayat naisama din sa mga direktang nakasalamuha ng nagpositibong attendee ang mass presider na pari.

Dahil dito, nagdesisyon ang kura paruko na pansamantalang isara ang simbahan hanggang January 23, 2021 kung saan nagsagawa na rin ng disinfection sa simbahan nitong huwebes at biyernes para mapigilan ang pagkalat ng covid19.

Kasalukuyan namang naka-admit ang pasyente sa De Luna Hospital at nakatakdang isailalim sa swab test sa araw ng Martes ang nasa 11 close contact nito na kapwa mga dumalo din sa naturang misa noong nakaraang linggo.

Naunang nakaramdam ng sintomas ng covid19 ang pasyente kung kayat nagpunta ito sa nasabing hospital at kalaunan ay nagpositibo sa sakit.

Inaalam pa sa ngayon kung paano nahawaan ng covid19 ang pasyente dahil base sa isinagawang contact tracing ay wala naman itong history of exposure sa isang covid positive.

P/Major Mark Tubadeza, Labrador PNP chief

Samantala, sa kabuuan ay mayroon ng tatlong active cases ngayon ang bayan ng Labrador.

Ayon pa sa hepe mahigpit na binabantayan at tinitiyak na naipapatupad ang mga protocols lalo na ang social distancing sa loob ng mga simbahan sa bayan.