Dead on the spot ang isang real state owner matapos pagbabarilin ng dalawang nakatakas at hindi pa natutukoy na suspek lulan ng motorsiklo habang nagjo-jogging sa mismong pagmamay-ari nitong subdivision sa barangay Roxas Boulevard sa siyudad ng San Carlos dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay Patrolman Samuel Cayabyab, duty investigator ng San Carlos City PS, tinitignan pa sa ngayon ang motibo sa pamamaslang kung may kinalaman sa negosyo ng 78 anyos na biktima na kinilalang si Leo Macaraeg na pawang residente din sa naturang lugar dahil ayon sa mga nakakakilala sa biktima, mabait ito at mapagbigay na tao.

-- Advertising --

Bago ang pamamaril, may nakakita na kinausap pa umano ng biktima ang mga suspek at inakalang kakilala ng biktima ang 2 nakatambay sa harap ng subdivision hanggang sa nakarinig ito ng putok ng baril.

Pagkatapos ng pamamaril ay agad namang tumakas ang mga suspek.

Nagtamo ng nasa apat na tama ng baril base sa initial assessment ng attending physician ng biktima habang inaantay pa sa kasalukuyan ang resulta ng pagsusuri mula sa PNP crime laboratory.

Narekober naman sa crime scene ang basyo ng hinihinalang caliber 45 na ginamit ng mga suspek sa pamamaril.

Kinakalap pa sa ngayon ang mga cctv footage na nakuhanan ang mga posibleng dinaanan ng mga suspek sa ibang barangay para makakuha ng ebidensiya para sa ikalulutas ng krimen at ikadarakip ng mga suspek.