DAGUPAN CITY – Selos ang isa sa nakikitang dahilan ng San Nicolas PNP sa motibo ng pagkasawi ng isang 28-anyos na misis matapos itong pagsasaksakin ng sariling mister sa kanilang bahay sa Barangay Calanutian sa bayan ng San Nicolas.

Ayon kay PLt. George Banayos Jr., hepe ng San Nicolas PNP, bago mangyari ang naturang krimen ay nagkaroon ng matinding away at sagutan ang mag-asawa sa bandang kusina kung saan ng umalis na ang biktima na kinilalang si Jovelyn Lucas, ay agad itong sinundan ng kanyang mister na si Don Richard Lucas at sinaksak ito gamit ang kanyang dalang patalim.

-- Advertising --

Nagtamo ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at agad na isinugod sa Eastern Pangasinan District Hospital ngunit ideneklarang dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng San Nicolas PNP upang makakalap pa ng karagdagang impormasyon, anggulo at mga testigo sa naturang insidente.

Handa umanong magsampa ng kasong parricide ang pamilya ng biktima laban sa suspek na napag-alamang nasa impluwensiya ng alak nang mangyari ang krimen.

Dagdag pa ni Banayos, ito pa lamang unang insidente ng pananaksak sa kanilang lugar sa kanyang termino at ngayong taon. (with reports from: Bombo Lyme Perez)