Isang 16 anyos na dalagita ang ginahasa ng 62 anyos na pinsan ng kaniyang lolo sa Barangay Cabalaoangan Sur sa bayan ng Rosales, Pangasinan.

Ayon kay Rosales PNP chief P/Maj. Fernando Fernandez, dumulog ang menor de edad na biktima kasama ang kaniyang ina at pinsan sa otoridad makaraang magsumbong ang biktima na hinalay siya ng suspek na pinsan ng kaniyang lolo na kinilalang si Camilo Tomagos.

-- Advertising --

Sa panig ng naturang biktima, hindi ito ang unang beses na ginahasa siya ng suspek kundi maraming beses na.

Umamin naman ang suspek sa kaniyang ginawa subalit alegasyon nito na tipong ang biktima pa umano ang nagpapahiwatig sa kaniya at ginusto din umano ito ng biktima.

Base din sa salaysay ng mga kamag-anak ng suspek na palagi umanong nagpupunta ang biktima sa lugar kung saan nakatira si Tomagos at binibigyan umano nito ang biktima ng pera.

Ito din marahil ang dahilan kung bakit napapayag ng suspek ang biktima.

Sa ngayon, nakaregular filing ang kasong Rape laban sa suspek na may kaugnayan sa RA 7610, bagamat umuusad ang kaso ay nanatiling nakalaya ang suspek dahil hindi sapat ang extra-judicial confession ng suspek dahil matagal ng nangyari ang panghahalay nito sa kaniyang apo kung saan pinakahuli ay noong December 20, 2020.

Samantala, isinangguni na rin sa DSWD ang menor de edad na biktima para sa counselling.

Sa nakalipas na taon, may walong naitalang rape case sa bayan ng Rosales kung saan karamihan dito ay nangyari sa loob ng tahanan.

Kaugnay nito, may programa naman ang Police Provincial Office ng Pangasinan na Oplan Sagip Anghel kung saan minomonitor at binibisita partikular ang mga walang magulang dahil sila kadalasan ang nabibiktima ng panggagahasa kung saan karaniwang suspek ang mismong itinuturing na kamag-anak o pinagkatiwalaang magbantay sa kanila.