Umapela sa pamahalaan si Vice President Leni Robredo para magkaroon ng alokasyon sa ilalim ng 2021 national budget ang cold storage ng COVID-19 vaccines.

Ang pahayag ni Robredo ay kasunod ng mga ulat tungkol sa sensitibong temperature requirement ng ilang bakuna laban sa coronavirus.

“Iyong sa Pfizer daw kasi, parang kailangang negative… may temperature, Ka Ely, na kailangan ng storage. Wala daw tayo noon. So iyong sinasabi nila, with the present infrastructure that we have, parang iyong katugma natin iyong mga ipo-produce yata ng China. So iyong tinatanong ko Ka Ely, mayroon ba tayong budget for iyong paghahanda ng infrastructure for storage, kasi importante siyempre iyon. Parang hindi yata kasali sa budget,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio program.

Sa ilalim National Expenditure Program ng Department of Budget and Management para sa 2021, P203.74-billion ang panukalang pondo para sa Department of Health.

Mula sa nasabing alokasyon, P10-billion ang nakalaan para sa procurement ng bakuna.

Isinusulong sa Senado ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto na dagdagan ang pondo para sa bakuna, nang ikino-konsidera ang cold storage ng mga ito.

Ayon naman kay Robredo, ang paglalaan ng karagdagang budget sa vaccine procurement ay magandang oportunidad sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act.

“Kasi ‘di ba iyong primary healthcare, iyong pag-enhance ng mga facilities sa mga LGUs, asikasuhin na para… Ito kasi, Ka Ely, puwede na nating gawin ngayon eh kahit wala pang vaccines. Puwede na nating gawin ngayon kahit wala pang vaccines, para sana kapag dumating, ready na. Para kapag dumating, wala na tayong ibang aasikasuhin kung hindi iyong pagdispense na lang.”

“Kung gagawin natin na doon pa lang tayo gagalaw, baka mahirapan, baka masyadong madelay. So okay naman sila, Ka Ely, sabi ko available naman iyan sa mga LGUs eh, kukunin niyo na lang.”

Kabuuang P28-billion ang nakahandang budget ng pamahalaan para sa bakuna. Ang P10-billion ay ang alokasyon mula sa DOH budget, habang P18-billion ang galing sa Bayanihan to Recover As One Act (Bayanihan 2).