-- Advertisements --
image 324

Isusulong ngayon ng administrasyong Marcos ang pagpapasa ng mga bagong panukala sa buwis ngayon taon.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, kabilang na rito ay ang pagpapatupad ng dagdag na buwis para junk foods at sweetened beverages.

Paliwanag ng kalihim, ang revenue measures ng Department of Finance para sa sweet and salty beverages ay nakaplano nang ipatupad sa taong 2025 ngunit in-advance aniya nila ito sa taong 2024 kaya ito ang isusulong ngayon sa Kongreso hanggang sa matapos ang taong kasalukuyan.

Samantala, sa bukod na pahayag naman ay ipinaliwanag naman ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang mga detalye ng naturang proposed tax measures.

Aniya, sa ilalim ng proposed tax program ay pinaplano ng DOF na magpataw ng P10 kada 100 grams o P10 kada 100 milliliters na buwis sa mga pre-packaged na pagkain na walang nutritional value na lumampas sa tinukoy na threshold ng DOH para sa fat, salt, at sugar content ng isang produkto.

Dagdag pa rito, balak din ng DOF na itaas ang rate ng buwis sa matamis na inumin sa ilalim ng TRAIN Law sa P12 kada litro, anuman ang uri ng pampatamis na ginamit.

Ang rate ng buwis na ito ay mai-index taun-taon ng 4%, at ang mga exemption ay aalisin upang palawakin ang tax base.

Ang mga hakbang na ito ay naglalayon aniyang palakasin pa ang bisa ng sweetened beverage tax sa pamamagitan ng pagdi-discourage sa ating mga kababayan sa pagkonsumo ng mga naturang inumin.

Noong Setyembre noong nakaraang taon, inihayag ng Department of Health na iminungkahi nito na magpatupad ng dagdag na buwis sa junk food at mga matatamis na inumin upang tugunan ang pagdami ng mga kaso ng obesity sa bansa kasabay ng pagpapalakas pa sa revenue para sa universal healthcare program.

Kaugnay nito ay sinabi ni Diokno na ang DOF at ang DOH ay magkatuwang na isusulong ang junk food at sweetened beverage tax bilang isang proactive na hakbang upang matugunan ang diabetes, obesity, at non-communicable disease na may kaugnayan sa poor diet.

Ang panukalang taasan ang buwis sa mga matatamis na inumin ay higit pa sa kasalukuyang mga rate sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017, na nag-uutos ng P6-per-liter na excise tax sa mga inumin. gamit ang caloric at non-caloric sweeteners, at P12 kada litro na buwis sa mga inuming gumagamit ng high-fructose corn syrup.