-- Advertisements --

Bumuo ang Department of Agriculture (DA) ng special committee na sisilip sa umano’y alegasyon sa alokasyon ng meat import certificates sa ilalim ng in-quota minimum access volume (MAV) scheme.

Ito ay matapos na magpatawag ng imbestigasyon si Sen. Panfilo Lacson sa umano’y aktibidad ng isang sindikato sa loob ng DA, na aniya’y posibleng kikita ng ilang bilyong piso mula sa “tongpats” o patong mula sa MAV allocation sa pork imports.

Ayon kay Agriculture Sec. William Dar, ang special committee na kanilang binuo ay pamumunuan ng legal service chief ng DA, at ibabase ang kanilang imbestigasyon sa initial findings ng DA-MAV secretariat.

Sinabi ni Lacson na mayroong mga ulat hinggil sa kahinahinalang indibidwal na nagpapatong ng P5 hanggang P7 kada kilo ng imported na karneng baboy.

Pero iginiit naman ni DA-MAV Secretariat Executive Director Jane Bacayao na ang alegasyon ng korapsyon para makakuha ng MAV import certificate ay “remote” lamang dahil ang mga existing licensees ay kapareho lamang ng mga nasa nakalipas na taon.

-- Advertisement --

Sa ngayon, inirerekomenda ng DA na taasan ang MAV sa pork imports hanggang 400,000 metric tons mula sa kasalukuyang 54,000 metric tons para madagdagan ang domestic supply.

Inirerekomenda rin nila na babaan ang 30 percent na taripa sa limang porsiyento na lamang.