Pansamantalang ilalabas sa kustodiya ng Senado ang kontratistang si Pacifico Discaya upang sumailalim sa operasyon sa kanyang kanang balikat, ayon kay Senate Secretary Mark Llandro Mendoza.
Matatandaan, nasa ilalim ng Senate detention si Discaya matapos ma-cite in contempt kaugnay ng imbestigasyon sa kontrobersyal na flood control project noong Setyembre 2025.
Ayon kay Mendoza, humiling si Discaya na sumailalim sa isang medical procedure, na pansamantala namang pinayagan, bagamat hinihintay pa ang pinal na clearance para maisagawa ito, posible sa araw ng Huwebes.
Nauna na ring dinala si Discaya sa ospital noong Marso para sa magnetic resonance imaging (MRI) dahil sa pananakit ng kanyang balikat. Inaasahang mananatili siya sa ospital nang humigit-kumulang isang linggo bago ibalik sa Senado upang doon magpatuloy ang kanyang pagpapagaling.
Tiniyak naman ni Mendoza na dumaan si Discaya sa pagsusuri ng mga doktor ng Senado at ng ospital bago pinahintulutan ang naturang operasyon. Dagdag pa niya, sasamahan si Discaya ng mga tauhan ng Senate security habang nasa ospital.
Sa kasalukuyan, si Discaya na lamang ang nananatiling nakakulong sa Senado mula sa mga personalidad na nasangkot sa naturang isyu.
















